Isang malaking kapahamakan sa sambayanang Pilipino ang nakaraang tatlong taon ng pamumuno ni Bongbong Marcos. Kinaladkad niya ang mamamayan sa ibayong krisis sa pagpapatuloy ng kanyang administrasyon ng mga neoliberal na polisiya na nagpapayaman lang sa mga oligarko at politiko. Kinaladkad din niya ang bansa sa panganib ng tumitinding imperyalistang krisis at giyera sa pangangamuhan nito sa kagustuhan ng US.
Nahaharap ang mamamayan, laluna ang mga tumitindig sa hanay ng mahihirap at nagmamahal pa sa Pilipinas, sa hamon ng pagtahak sa tunay na pagbabago. Kung iisipin lang natin ang kasukdulan ng ating kinakaharap na krisis, maaaring panghinaan tayo ng loob. Pero kung pagbabatayan natin ang kasaysayan at kakayahan ng kilusang masa, buhay ang pag-asa.