Hamon ng pagragasa ng RE: bakit nadidisbentahe ang publiko?

Mabilis ang paglago ng pamumuhunan sa renewable energy nitong mga nakaraang taon. Dumarami ang mga solar farm, wind project, geothermal plant, at iba pang pasilidad para sa renewable energy na itinatayo sa iba't ibang panig ng bansa. Malaki rin ang inilalagak na puhunan sa sektor ng mga lokal na konglomerado at mga dayuhang kumpanya.

Ayon din sa mga plano ng pamahalaan, palalakihin ang bahagi ng renewable energy sa kabuuang suplay ng kuryente ng bansa sa mga susunod na dekada. Marami nang malalawak na lupain at katubigang baybayin ang itinukoy bilang mga lugar para sa mga susunod pang proyekto sa renewable energy.

Ipinapakita nito na nagsimula na ang paglipat ng bansa tungo sa renewable energy. Ang mahalagang tanong ngayon ay kung ang mabilis na paglawak ng sektor na ito ay magdudulot ba ng pakinabang sa sambayanang Pilipino gaya ng pakinabang na nakukuha ng mga mamumuhunan.

Sa kabila ng mabilis na paglago ng renewable energy, marami pa ring Pilipino ang hindi nakakatamasa ng mga ipinangakong benepisyo nito. Nanatiling kabilang sa pinakamataas sa Southeast Asia ang presyo ng kuryente sa bansa, habang patuloy na nagbabayad ang mga konsyumer ng iba’t ibang singil na tumutulong pondohan ang mga pamumuhunan sa sektor ng enerhiya.

Marami ring proyektong renewable energy ang itinatayo sa mga lupang sakahan, pangisdaan, kagubatan, at mga lupang ninuno. Nagdulot ito ng mga pangamba kaugnay ng pagpapalit-gamit ng lupa, pagkawala ng kabuhayan, pagkasira ng kapaligiran, at paglabag sa karapatan ng mga apektadong komunidad. Kasabay nito, nananatiling nakasentro sa malalaking korporasyon at kanilang mga dayuhang katuwang ang pagmamay-ari ng maraming proyekto.