Tungo sa maka-mamamayang transisyon sa renewable energy
Higit pa sa pagpapalit ng fossil fuels, ang isang makatarungang paglipat sa renewable energy ay dapat magtayo ng isang sistemang pang-enerhiya na demokratiko, abot-kaya, at patas para sa lahat. Paano mapapalakas ang mga kasalukuyang patakaran upang mapalawak ang partisipasyon ng publiko, masuportahan ang mga renewable energy na pagmamay-ari at pinamamahalaan ng mga komunidad, at matiyak na ang mga manggagawa, konsyumer, magsasaka, mangingisda, Katutubo, at mga lokal na komunidad ay tunay na makikinabang sa transisyon? Tuklasin ang mga praktikal na hakbang tungo sa isang sistemang pang-enerhiya na inuuna ang kapakanan ng mamamayan kaysa tubo ng iilan.
Suporta ng gobyerno para sa renewable energy
Sa ilalim ng National Renewable Energy Program (NREP), nagbibigay na ang pamahalaan ng Pilipinas ng iba’t ibang anyo ng suporta para sa pagpapaunlad ng renewable energy. Kabilang dito ang mga tax incentive, duty-free importation ng mga kagamitan, income tax holiday, green energy auction, feed-in tariff, net metering, at mga programa sa pagpopondo para hikayatin ang pamumuhunan sa renewable energy. Nagbigay-daan ang mga patakarang ito sa mabilis na pagdami ng mga proyekto sa renewable energy sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Mga hamon sa akses at partisipasyon ng mamamayan
Marami pa ring Pilipino ang nahihirapang direktang makinabang sa renewable energy. Ang gastos sa pag-install ng solar panels o iba pang renewable energy systems ay lampas sa kakayahan ng karamihan ng mga sambahayan—umaabot sa humigit-kumulang Php150,000 hanggang Php300,000, o katumbas ng ilang taon ng bayarin sa kuryente para sa isang karaniwang pamilya. Samantala, maraming maliliit na komunidad ang walang sapat na akses sa pautang, teknikal na tulong, at suporta mula sa pamahalaan dahil mahigpit ang mga kinakailangan. Kasabay nito, marami sa mga proyekto sa renewable energy ay pinaplano at ipinapatupad ng malalaking korporasyon na may limitadong partisipasyon mula sa mga apektadong komunidad.
Maka-mamamayang inisyatiba sa renewable energy
Hindi kailangang umasa lang ang renewable energy sa malalaking power plant. Ang maliliit at maka-komunidad na mga sistema tulad ng rooftop solar, solar-powered irrigation, microgrid, renewable energy cooperative, at community solar project ay maaaring makatulong para mailapit ang kuryente sa mga taong mas nangangailangan nito. Makapagpapalawak ang mga sistemang ito ng akses sa enerhiya habang lumilikha ng mga lokal na trabaho at nagpapalakas ng partisipasyon ng mga komunidad sa pagpapaunlad at pamamahala ng sariling nilang enerhiya.
Mga pagkakataon para sa partisipasyon ng publiko at reporma sa palisiya
Kailangang mabago ang kasalukuyang direksyon ng pagpapaunlad ng renewable energy para ang mga pangunahing nakikinabang sa transisyon na ito ay ang mga manggagawa, magsasaka at mangingisda, katutubo, konsyumer, mga organisasyon ng lipunang sibil, at mga lokal na pamahalaan—hindi ang mga mamumuhunan at ahensya ng pamahalaan. Makakatulong ang makabuluhang konsultasyon sa publiko para matiyak na ang mga proyektong renewable energy ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad habang pinoprotektahan ang kanilang kabuhayan, mga ekosistema, at mga karapatan.