Maka-mamamayang inisyatiba sa renewable energy

Hindi kailangang umasa lang ang renewable energy sa malalaking power plant. Ang maliliit at maka-komunidad na mga sistema tulad ng rooftop solar, solar-powered irrigation, microgrid, renewable energy cooperative, at community solar project ay maaaring makatulong para mailapit ang kuryente sa mga taong mas nangangailangan nito. Makapagpapalawak ang mga sistemang ito ng akses sa enerhiya habang lumilikha ng mga lokal na trabaho at nagpapalakas ng partisipasyon ng mga komunidad sa pagpapaunlad at pamamahala ng sariling nilang enerhiya.

Para masuportahan ang mga inisyatibong ito, maaaring magbigay ang pamahalaan ng abot-kayang pautang, mga grant, teknikal na suporta, at pagsasanay para sa mga kabahayan, kooperatiba, lokal na pamahalaan, mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo. Mahalaga rin ang pampublikong pamumuhunan para matulungan ang mga komunidad na makapagpatayo at makapagpanatili ng mga renewable energy system nang hindi nababaon sa mabigat na gastusin o panganib sa pananalapi.

Kung susuportahan ang renewable energy na pag-aari at pinamamahalaan ng mga lokal na komunidad, mas mapapalawak ang paggamit ng malinis na enerhiya at masisiguro na ang mga benepisyo nito ay mapupunta sa mga tao at komunidad, at hindi nakokopo ng malalaking korporasyon.