Mga hamon: Sino ba talaga ang nakikinabang sa mga polisiya at imprastruktura?
Sagana ang Pilipinas sa renewable energy resources at may kakayahan itong makalikha ng mas marami pang malinis na kuryente. Pero hindi dahil mayaman ang bansa sa likas na yaman ay awtomatiko nang nakikinabang ang lahat. Malaki ang nakasalalay sa mga polisiya ng pamahalaan at sa kung sino ang pinapayagang mamuhunan at magkaroon ng kontrol sa mga proyekto sa enerhiya.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang mga polisiya sa paghikayat sa pribado at dayuhang pamumuhunan sa renewable energy. Dahil dito, dumami ang mga renewable energy project sa bansa. Pero nananatili ang mahahalagang tanong: Nagiging mas abot-kaya ba ang kuryente? Mas napapalakas ba ang energy security ng bansa? At talagang nakikinabang ba rito ang mga ordinaryong Pilipino?
Habang dumarami ang mga renewable energy project sa mga bukirin, baybayin, kagubatan, at mga lupang ninuno, mas marami ring komunidad ang nagtatanong: Sino ba talaga ang nakikinabang sa mga proyektong ito? At sino ang umaako sa mga gastos at epekto nito? Kaya para maunawaan ang sektor ng enerhiya sa Pilipinas, hindi sapat na tingnan lang kung gaano karaming renewable energy project ang naitatayo. Mahalaga ring tanungin kung sino ang nagmamay-ari ng mga ito, sino ang kumikita, at kung tunay bang nagsisilbi ang mga ito sa kapakanan ng publiko.
