Kilalanin ang energy mix, operasyon, at pagmamay-ari ng sistema ng enerhiya ng Pilipinas
Kinukuha ng Pilipinas ang enerhiya nito mula sa fossil fuels at renewable energy. Sa ngayon, coal pa rin ang pangunahing pinagmumulan ng kuryente sa bansa. Kasabay nito, patuloy namang lumalawak ang paggamit ng renewable energy tulad ng geothermal, hydropower, solar, wind, at biomass.


Sa kabila nito, umaasa pa rin ang Pilipinas sa inaangkat na fuel mula sa ibang bansa. Dahil dito, madaling maapektuhan ang bansa ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado at mga problema sa suplay. Samantala, mabagal pa rin ang paglinang at paggamit natin ng sariling pinagkukunan ng enerhiya.



Pribadong mga kumpanya ang nagpapatakbo sa malaking bahagi ng power sector sa Pilipinas. Mula nang maipasa ang EPIRA noong 2001, higit na napunta sa pribadong sektor ang paglikha at pamamahagi ng kuryente, habang ang pangunahing papel ng pamahalaan ay ang paggawa ng mga polisiya at pag-regulate sa industriya. Sa ilalim naman ng Renewable Energy Act of 2008, hinihikayat din ang mga pribadong kumpanya na mamuhunan sa renewable energy.
Sa kasalukuyan, iilang malalaking korporasyon ang may kontrol sa malaking bahagi ng industriya ng enerhiya sa Pilipinas. Marami sa mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga coal at gas power plant ang nangunguna rin sa pamumuhunan sa solar, wind, geothermal, at hydropower—kadalasan ay katuwang ang mga dayuhang mamumuhunan.