Ang potensyal ng Pilipinas sa renewable energy
Ang Pilipinas ay may ilan sa pinakamayamang pinagkukunan ng renewable energy sa buong mundo. Ayon sa Bloomberg, kabilang ang Pilipinas sa mga nangungunang umuusbong na merkado para sa malinis na enerhiya, na may iskor na 2.65 sa 5 sa kanilang pagsusuri sa 110 emerging markets para sa green energy. Dahil sa heograpiya at klima nito, sagana ang bansa sa sikat ng araw, malalakas na hangin, umaagos na mga ilog, geothermal resources, at biomass na maaaring gamitin sa paglikha ng kuryente. Matatagpuan ang mga yamang ito sa iba't ibang panig ng bansa at may kakayahang magbigay ng malinis na enerhiya sa mga susunod pang henerasyon.
Kabilang sa mga ito, napakalaki ng potensyal ng offshore wind. Tinataya ng mga pag-aaral na maaari itong lumikha ng kuryenteng ilang ulit na mas malaki kaysa sa kabuuang taunang konsumo ng bansa sa kasalukuyan. Kasama ng solar, geothermal, hydropower, at iba pang pinagkukunan ng renewable energy, sapat ang likas na yaman ng Pilipinas upang mabawasan ang pagdepende nito sa inaangkat na fossil fuels.
Nangangahulugan ito na may natatanging pagkakataon ang bansa na bumuo ng isang mas malinis, mas matatag, at mas nagsasariling sistema ng enerhiya. Sapat ang renewable energy resources ng Pilipinas. Ang tunay na hamon ay kung paano ito pauunlarin at pamamahalaan upang tunay na mapakinabangan ng mamamayan.