Inianunsyo ng palasyo ang pagdating ng bagyo Iginuhit ng pirma ang direksyon nito. Namuo ang panganib sa malayong dako Tone-tonelada at sako-sako. Pagkataas-taas ang alon ng bigas! Natatanaw ito sa gitna ng dagat. Lulan ng barkong ataul ang anyo Pangitaing angkat sa pamilihang dayo. Bukas na tarangkahan ang dalampasigan Umakyat ang daluyong sa mga pantalan Umagos ang baha sa sementadong daan Bumuhos ang butil sa mga pamilihan. Inanod ng daluyong ang patag na bukirin Ginapang ng delubyo, mga burol at bukid Nilunod ang sakahang gintua't malusog Lahat niragasa ng malupit na agos. Ang bagyong dayuhan may hatid na sakit Uod sa punla, peste sa mithi Amag sa magkabilang pisngi ng pilapil Bukbok sa kabuhayan at pinagpagurang ani. Namumuo rin ang bagyo sa bukid Mula sa kayumangging binti at bisig Sa mga sakahan ngayo'y nagtatanim Ng punla ng paglaya ang magbubukid. #StandWithFarmers #JunkRiceLiberalizationLaw #JunkRiceTarifficationLaw #PresyoNgPalayItaas #PresyoNgBigasIbaba
Delubyo
June 5, 2024