Ladrilyo

September 11, 2023

by Marlon Tobias

Sa tuwing nababanggit ang lugar na Bulacan, napapahagikgik na lamang ako dahil sa wala namang ibang tatatak sa isip mo kundi lubak at baha. Nagbago ang tungo ko rito noong napasama ako sa isang exposure o saglit na pakikipamuhay sa mga magsasaka sa isang liblib na lugar ng San Jose Del Monte na kung tawagin ay Paradise III. Ang umagaw sa atensyon ko ay noong pumasok kami sa isang maliit na eskinitang pababa sa batis, ikinagulat ko na may komunidad ditong naninirahan.

Ang Paradise III ay tila isang maliit na Sitio sa paanan ng bundok, sa palibot ng mga sapa at nagsisitayugang mga puno at halaman. Binubuo ito ng mga dating trabahante sa nagsarang pabrika noong Dekada ’70 na pinagmamay-arian ng pamilya ng naudlot na dating senador Gil Puyat; ang ilan naman sa kanila ay kasalukuyang namamasukan bilang “tao” o nagsisilbing mga pribadong guwardiya ng mga higanteng negosyanteng tulad nina Araneta at Villar na umaangkin sa malaking parte ng lupain sa Paradise III at mga karatig na lugar nito; at karamihan naman sa kanila ay mga magsasaka. Dito ko nakilala si Mang Limuel na ang mga magulang ay dating manggagawa sa pabrikang kalapit nito. Dito na sila humimpil mula’t mula noong nagsara ang pabrika at sa pagsasaka na naituon ang kanilang kabuhayan.

Ang isa sa aming layunin sa pagsama sa exposure ay ang makalahok sa produksyon at makatulong sa pag-aani ng kanilang mga tanim na ibinabagsak naman sa lungsod kung saan naman ito inilalako. Ang ilang magsasaka sa Paradise III ay may magandang pagkakaunawaan sa paghahati ng lupang taniman. Sa tulong ng organisasyon nila, ang SAMAPA, ay napapanatili nito ang maayos at patas na partehan ayon sa bilang ng partisipasyon sa produksyon. Ilang taon na nila itong ginagawa. Napakarami na ring pagsubok ang kanilang pinagdaanan at hanggang ngayon ay pinagdaraanan. Isa na rito ang mga banta ng malalaking negosyante na umano’y may-ari ng lupa. Isa sa mga daing ni Mang Limuel sa akin ay ang epekto ng niyayaring MRT-7 mula sa kalunsuran. Habang kami ay nag-aani, hindi ko naiwasang itanong kung bakit ang daming nagkalat na ladrilyo o bricks sa kanilang lugar na akala mo’y pinaulanan ng parihabang bato ang maliit na sitio. Natawa si Mang Limuel at tumingala, tumurol ang daliri sa isang malaking lumang establisyamento sa tuktok ng burol.

“Bricks ng mga Puyat” bulong ni Mang Limuel.

Kasabay ng init at tirik ng tanghaling araw, isinama nya ako para baybayin ang nagsarang pabrika. Bawat hakbang namin papalapit ay paparami rin ang mga ladrilyong nagkalat, pakiramdam ko nga noon ay nasa Jumanji na ako, patawa kong naisip noong oras na iyon. Sa gitna ng paglalakad itinuturo rin ni Mang Limuel ang ilang abandonadong istraktura tulad ng natuyong daluyan ng tubig na ginagawa naman nilang patibong sa mga naliligaw na bubuli, patunay na mapamaraan talaga ang mga magsasaka ng Paradise III.  Pagdating sa tuktok ng burol ay tumambad sa akin ang isang malaking abandonadong gusali na nagsilbing kabuhayan ng mga tao noong araw. Pareho kaming nakatingala ni Mang Limuel dito habang ikinikwento niya ang bawat detalye ng mga pinagdaanan nila – ilang insidenteng panghaharass ng mga guwardiya sa ilalim ng mga Araneta, masaker ng apat na magsasaka noong 1999, at isang mabigat na kwento tungkol sa bigong reporma sa lupa. May dagan at kurot sa aking dibdib habang sinisipat ang ilang detalye ng gusali kasabay sa mga salaysay ni Mang Limuel. Napagtanto ko bigla at hindi maiwasang maihalintulad ang mga magsasaka ng Paradise III sa mga nagkalat na ladrilyo sa lugar.

May ilang nakabaon na sa lupa, mayroon ding hindi na mahagilap. Ngunit marami pa rin ang nagkalat, na kung magsama-sama tulad ng mga ladrilyo, ang mga magsasaka ay hinding hindi matitibag ng mga kapitalistang may mala-higanteng maso.