Peste

October 16, 2025

by Marlon Tobias

11 Oktubre 2025 — Barangay Gatuslao, Candoni, Negros Occidental.

Isa ako sa mga napiling lumahok sa International Solidarity Mission, kasama ang iba’t ibang organisasyon, upang alamin ang kalagayang dulot ng malawakang taniman ng palm oil at masaksihan ang sinasabing matinding militarisasyon laban sa mga magsasaka roon.

Pagdating namin, kitang kita ang pananabik ng mga tao na pawang nakatagpo ng mga tagapagligtas, dama sa bawat ngiti at paghagis ng kamao sa ere ang mainit na sumalubong sa amin. Nag-umpisa sa pagkakakilanlanan, nagtagpo ang maiinit at basa sa pawis na mga palad, tinipon ang mga apektadong residente.

Nagkaroon ng mga talakayan at testimonya, kung saan inilatag ng mga magsasaka ang tunay nilang kalagayan. Isa sa mga itinurong sangkot ay ang Hacienda Asia Plantations Inc. (HAPI), kasabwat umano ng pamilyang Araneta (bagamat itinatanggi ng Google na may kinalaman ito sa Aranetang kapamilya ng mga Marcos), at ang malaking conglomerate ng DM Consunji Inc. (DMCI).

Isa sa mga pinakatumatak sa akin ay ang kwento ni Lola Victoria, dating manggagawa ng HAPI sa loob ng dalawang taon. Ayon sa kanya, sa mga nakatatanda iniaatang ang mga “pinakamagaang” na uri ng trabaho — tulad ng pagbubutas ng plastik na sisidlan ng mga seedlings. Ngunit para sa akin, hindi iyon maituturing na magaan. Araw-araw, may quota silang 2,500 plastik na kailangang mabutasan. Napangiwi ako habang iniisip kung gaano kabigat at paulit-ulit ang trabahong iyon.

Habang ikinukwento ni Lola Victoria ang mga detalye, nakatitig ako sa kanyang mga mata. Sa taas ng tono ng boses, ito na ang nagsilbing simbolo ng mga hinaing na hindi nariringgan. Ngunit hindi pa roon nagtatapos ang kanyang kwento. May mga araw daw na sila mismo ang namumulot ng mga uod na kumakapit sa mga tanim na palm oil tree. Hindi ko napigilan ang pangingilabot — sa laki ng kumpanyang iyon, literal nilang ginawang pestisidyo ang mga manggagawa. Mano-mano. Isa-isa.

Isa-isa ring naihapag ang iba pang mga paglabag: tinitiktikan sila ng militar mula sa kanilang bakuran hanggang sa loob ng plantasyon; binuldoser ang kanilang sariling mga taniman; mga ilog na tinabunan ng lupa kung saan sila kumukuha ng maiinom at pampaligo ng kanilang alagang mga hayop at patuloy na hindi iginalang ang kanilang lupang ninuno.

Ramdam sa tinig ni Lola Victoria ang ngitngit at galit sapagkat turing sa kanila ng mga korporasyong ito ay mga peste, gayong ang tunay na peste ay ang mismong mga korporasyon at ang gobyernong pumayag sa ganitong negosyo.