Bakit tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa? Ano ang solusyon?

April 14, 2025

by IBON Foundation

Ang presyo ng bilihin ang isa sa mga pangunahing alalahanin ng mayorya ng mga Pilipino, bukod sa pagkakaroon ng hanapbuhay at sapat na kita ng pamilya.

Isa sa masaklap na riyalidad sa bansa ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo habang hindi naman tumataas ang napakababang sahod at kita. Lalo pa, hindi naman makalikha ang ekonomiya ng mga regular at sustenableng trabaho na may nakabubuhay na pasahod. Walang matinong plano ang pamahalaan para sa agrikultura at manupaktura na siya sanang pagmumulan ng pang-matagalang trabaho.

Atrasado ang ekonomiya ng Pilipinas. Kroniko ang kawalan ng trabaho at kabuhayan, malawak ang kahirapan, walang panlipunang serbisyo at proteksyon mula sa estado, wasak ang likas-yaman at mga kabuhayang nakaasa rito, at malayo ang agwat ng mayoryang mahirap at super-mayaman.

Dayuhan at mga lokal na malalaking negosyante ang nakikinabang sa mga neoliberal na patakaran ng pamahalaan na pinamumunuan naman sa kabilang banda ng mga burukrata-kapitalista. Ito ang konteksto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo sa Pilipinas.

Samantala, kaliwa’t kanan ang pahayag ng gobyernong Marcos Jr na nilulutas nito ang inflation, pero walang nakikitang epekto hanggang ngayon. Ano nga ba ang nagtutulak ng mataas na presyo at paano ito sosolusyonan?