Kampuhan, kalsada, pakikibaka – Oktubre 2025

October 20, 2025

by Jopar Cruz


Magsasaka’t manggagawang bukid nagpiket sa ahensya
Bitbit mga panawagan, hinaing mula sa Hacienda
Lupang laon nang sinasaka, sa kanila’y ipagkaloob na
‘Pagkat kanilang kabuhaya’y dito inaasa.


Sa ilalim ng mga trapal sa gilid ng kalsada
‘Sansaglit naki-umpukan, sa kanila nakiisa
Nilahad ng matatanda kanilang pagdurusa
Mababang pasahod, alipin ng Hacienda.


Mahinanahong nagpaliwanag, matyagang nakinig
Sa mahinang tinig at kalmadong mga bibig
‘Di matumbasang hirap ng pasahod na kayliit
Pagpupuyos sa galit sa among pasakit.


Kung anong tamis ng asukal s’ya namang pait ng kalagayan
Tumitinding gutom, kawalan ng kabuhayan
Pinapaslang, pinapalayas sa lupang tirahan
Mga manggagawang bukid, magsasaka sa tubuhan.


Sakadang dinusta’t sinamantala, saan pupunta
Kamaong kuyom, pagpumiglas di ipagtataka
Anumang tangka ng estado’ng itumba sila
Sa magkakabigkis nating paglaban, lupa’y tiyak na lalaya!