Bagong Taon, Bagong Pilipino!
Iyan ang tagline ni Bongbong Marcos sa kanyang unang vlog ng taon. Wala raw Bagong Pilipinas kung walang Bagong Pilipino na disiplinado, mahusay at mapagmahal sa bayan. Palibhasa, wala pang dalawang taon ng kaniyang termino, mabilis nang nalaos ang branding ng Bagong Pilipinas. Kaya ipinapasa na lamang ang pagbabago sa pagsusumikap ng tao sa halip na sa pamumuno ng gobyerno.
Tumitindi ang kinakaharap na krisis ng masang Pilipino. Patong-patong ang mga araw-araw na problema ng mamamayan. Walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin, habang ang sahod ay kakarampot at ang umento ay ipinagdadamot ng gobyerno at ng malalaking negosyante. Walang mahanap na de-kalidad na trabaho ang karamihan, wala ring maaasahang matinong panlipunang serbisyo, at lumalala ang kahirapan at pagkabusabos. Ito ay sa harap ng gobyernong waldas para sa sariling kapakanan at sa paglago ng yaman ng iilan. Gutom at kahirapan sa harap ng katiwalian at kawalang pananagutan.
Lalong nailalantad ang pagkabulok ng kalagayan sa tumitinding giriang Marcos-Duterte. Wala sa dalawang panig ang papabor sa interes ng mamamayan, bagkus nasa kaibuturan ng bangayang ito ang agawan sa pakinabang at kapangyarihan. Umiigting naman ang panghihimasok ng US sa bansa, dulot na rin ng mga konsesyong inialay ng gobyernong Marcos Jr, at lalo pa itong nagbibigay lakas-loob sa rehimen na paigtingin ang panunupil sa ekonomiya at politika.
Papasukin ng bansa ang eleksyong 2025 sa gitna ng ganitong delubyo kunsaan nilulunod ng bagyong US-Marcos sa matinding paghihikahos ang taumbayan. Pero handa ang kilusang masa na suungin at languyin ito hanggang maitawid sa sikat at pampang ang wastong pananaw sa ekonomiya at politika.