Marcos-Duterte 2023: Patong-patong na Problema

February 12, 2023

by IBON Foundation

Hindi drug war, kontra-korapsyon, demokrasya o demokratikong panggogobyerno ang ginawang tema ng bagong administrasyong Marcos Jr. Ekonomiya ang pinili nito. Laman ng kaniyang inaugural speech, unang SONA at maski ng kaniyang mga talumpati sa mga biyahe ang kalagayan ng ekonomiya na prayoridad diumano ng kaniyang administrasyon. Maagap ding binuo ni Bongbong Marcos ang kaniyang economic team, ang economic managers na recycled mula sa iba’t ibang administrasyon. Ipinagmalaki niya ang diumano’y kahusayan ng mga ito. Ipinangangalandakan na rin ang walang-pruwebang diploma ng pangulo sa ekonomiks.

Naisip marahil ng kampo ni Marcos Jr na isang ligtas na tema ang ekonomiya. Hindi na nga naman pag-uusapan ang mga atraso ng pamilyang Marcos sa karapatang tao at sa kaban ng bayan. Hindi na rin masyadong pagtutuunan ng pansin ang pangangailangang mabantayan ng mamamayan ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan, lagpas sa pitong buwan mula nang matapos ang hindi kapani-paniwalang eleksyon.

Pero dito nagkakamali ang rehimeng Marcos Jr. Matindi ang krisis pang-ekonomiya ng bansa, at sa madaling panahon ay mabubunyag lamang ang kawalan ng alam at pakialam ni Marcos Jr. Madaling mabuko ang mga pagpapanggap ng mabuway na administrasyon, laluna at ang itinalaga nitong economic team ay mga panatiko ng neoliberalismo na nagpalala sa kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas. Sa madaling salita, walang bagong direksyon ang ekonomiya sa ilalim ni Bongbong Marcos, at ito ang yayanig sa kaniyang walang-tibay na pamamahala.

Ito na nga ang natutunghayan ng taumbayan sa unang kalahating taon pa lamang ng pagkakaupo ni Marcos Jr. Pinakamalalang pagtaas sa presyo ng mga batayang bilihin, kakulangan at kawalan ng trabaho, mababang kita at kawalan ng ipon ng mga pamilyang Pilipino, at lalo pang pagkipot ng serbisyo at proteksyong panlipunan – isang walang katumbas na krisis sa pamumuhay ang sumambulat sa administrasyong Marcos-Duterte. Walang panama ang todo pilit na platapormang unity ng mga ito, na isang mabuway na pagkakaisang tila kumunoy.

Sa una, sabi ng mga tagasuporta ni Bongbong, huwag niyo namang isisi sa kaniya ang mga ito at kauupo lang niya. Pero ipinamalas naman agad ng nagkukunwaring maalam na presidente na wala naman itong dramatikong gagawin sa harap ng rumaragasang krisis, bagkus madalas pa niyang sabihing wala tayong magagawa. Sa katunayan, maituturo ang paglala ng krisis sa ngayon sa kawalang-aksyon ng kasalukuyang gobyerno.

Ihinabol ng economic team ang paglalabas ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 sa huling araw ng 2022, bago pa man mapanis ang ipinangakong “comprehensive all-inclusive plan for economic transformation” sa inaugural speech ng pangulo. Pero katulad ng inaasahan, na masasalamin mismo sa pagiging recycled ng economic team, ay walang bago sa PDP. Nananatili itong nakabalangkas sa bangkaroteng mga patakarang neoliberal, at nakaangkla sa interes ng dayuhang pamumuhunan at pribadong tubo. Nakapiring pa rin ang mga mata nito sa mga istruktural na problema ng ekonomiya at nananatiling nakasasama sa masahol nang kalagayan ng mayorya.

Magiging malupit ang taong 2023 para sa ekonomiya at mamamayan, kabaligtaran ng pagpapanggap ng rehimeng Marcos Jr na papunta pa lang ang bansa sa pinakamaningning nitong yugto. Lalo lang titingkad na wala sa esensya ng pamumuno ng anak ng diktador ang manindigan o mamagitan man lang para sa kapakanan ng nakararami.