Nasa pangatlong araw na ang malawakang welga ng mga drayber at opereytor ng dyip para tutulan ang programa ng pamahalaan na modernisasyon ng transportasyon at jeepney phaseout. Sa kabila ng kawastuhan at saklaw ng welga, ang patuloy na naratibo ng Department of Transportation: Makasarili ang mga nagwewelga sa pagpigil ng modernisasyon samantalang ikauunlad naman ito ng sektor, ng mga kapwa nila drayber at opereytor, at ng mga pasahero.
Kamot-ulong nagbahagi ng hinaing si Mang Rey noong ininterbyu ko siya para sa pananaliksik na ginagawa ko. Gigil na gigil siya at di napipigilan ang pagtaas ng kanyang boses habang inilalarawan niya ang naging karanasan nila noong naniwala sila sa pangakong modernisasyon sa transportasyon.
Di pa man din ako nakakapasok sa kanyang talyer na dating opisina ng kanilang kooperatiba, nagkwento na agad si Mang Rey ng kanyang mga saloobin. Kitang kita ko sa kanyang mga mata, at damang dama ko kung anong hirap ang pinagdaanan niya at ng kanyang mga kasamahan noong bukal sa puso nilang niyakap ang public utility vehicle (PUV) modernization program, partikular ang jeepney phaseout. Kinuwento nya kung paanong ang dati nang magulong sistema ng transportasyon ay lalong lumala at kung paano ang programa ay nagdulot lang ng pagkakahati-hati ng mga opereytor at drayber at ng malawakang pagkawala ng kabuhayan at higit na kahirapan sa hanay nila.
Noong nilabas ang Department Order 2017-011 o ang PUV modernization program, marami sa mga kasamahan ni Mang Rey ang tumutol dito dahil sa pangambang mawawalan sila ng kabuhayan. Pero niyakap ito ni Mang Rey. Taong 2018, itinatag niya ang Baclaran-Nichols Transport Service Cooperative at siya rin ang naging chairman nito. Matayog niyang pinangarap, hindi lang para sa sarili, kundi pati sa lahat ng mga manggagawa ng sektor ng transportasyon ang guminhawa ang buhay ng mga drayber at mga opereytor. Nagtiwala siyang makakamit ito sa pamamagitan ng naturang modernization program.
Sino ba namang hindi maghahangad ng modernisasyon kung totoong para naman ito sa ikabubuti ng mga drayber, opereytor at pasahero?
Ang mga gustong sumali sa kooperatiba ay kinailangang magbayad ng Php12,000 para sa membership at sa pagproseso ng kanilang konsolidasyon. Batid ni Mang Rey na mabigat na ito para sa mga nagnanais sumali sa kooperatiba, pero nanatiling positibo ang kanyang pagtanaw sa programa.
Imbes, nagsimulang umusbong ang mga problema. Bukod sa patong-patong na requirements na magtutulak sa mga drayber at opereytor na maglabas nang maglabas ng pera, at magsasanhi ng delay sa konsolidasyon, napakamahal ng mga modernong yunit na umaabot sa mahigit Php2 milyon kada isa.
Nanawagan sina Mang Rey at ang iba pang mga drayber, opereytor at transport groups na sa halip na bumili ng bagong modernong jeepney ay i-rehabilitate ang mga luma alinsunod sa requirements ng modernization program. Pinatunayan nilang kaya nilang i-rehabilitate ang mga yunit na maging mas malaki at maluwag at nasa harap ang pintuan ng mga pasahero. Ang kulang na lang ay ang EURO IV na makina at pasok na sa standards ng modernisasyon.
Ibinahagi niya ito sa publiko nang may pagmamalaki. Sa katunayan, boluntaryo niyang ipinagamit ang mga sampol sa pangangampanya ni Sen. Grace Poe noong 2019 eleksyon. Nagbaka-sakali siyang mapansin ito at makita na kayang-kaya ang modernisasyon nang hindi gumagastos nang napakalaki, at hindi natataga ang kabuhayan ng mga drayber at opereytor.
Pero hindi maaaring magkaroon ng makinang EURO IV ang rehabilitated jeepney dahil ayon sa PUV modernization program, kailangan buong-buong palitan ng bagong modelo ang tradisyonal na dyip.
Noong pandemya, pinangunahan nila Mang Rey ang service contracting para makapagserbisyo sa health workers at para magkaroon din ng pagkakakitaan, gamit ang rehabilitated jeepney. Napansin nila, kumpara sa iba na gumamit ng modernong dyip, na mas tipid ang tradisyonal na dyip. Sa langis pa lang, doble na ang konsumo ng modernong dyip. Magastos din ang mga kailangang gamit tulad ng automatic fare collection system at GPS.
Pero nanalig pa rin si Mang Rey sa modernisasyon – sa pagtatapos ng 2020, itinuloy ng kanilang kooperatiba ang pangungutang sa bangko para sa 15 modernong jeepney. Nadagdagan pa ng 11 yunit sa sumunod na taon. Umabot sa Php70 milyon ang utang nila sa bangko.
Umaabot sa Php33,000 kada yunit ang kinakailangan nilang bayaran kada buwan para sa loan. Bukod pa rito ang sweldo at maintenance para masustine ang kooperatiba. Sa kwenta nila, dapat makapag-remit ngPhp6,000-7,000 kada yunit araw-araw para tuloy-tuloy ang kanilang operasyon. Pero umaabot lang ng Php3,000 ang kayang i-remit kada yunit.
Napakamahal din ng presyo ng langis. At dahil doble ang konsumo ng modernong dyip, kahit may buwanang sweldo ang mga drayber ay hindi nasasapat para sa kanilang pamilya. Ang iba ay natutulak bumalik sa pagmamaneho ng tradisyonal na dyip na mas mababa ang konsumo sa langis at pagbabayad na lamang ng ‘boundary’ sa opereytor.
Tatlong buwan pa lang na operasyon ng mga modernong jeepney, napwersa na ang kooperatiba na tanggalin ang automatic fare collection system at bumalik na lang sa sistemang boundary. Lalong malulugi ang kooperatiba kapag hindi nila gagawin ito. Ang masaklap, yung insentiba sa kanilang kooperatiba na Php13,000 kada lumang yunit na isinurender ay naging Php5,000 kada yunit na lamang.
Sa halos tatlong dekada na pagpapapasada ang kabuhayan ni Mang Rey, dito sa pagpasok sa PUV modernization program siya nalugmok at nalugi. Namuhunan siya nang malaki sa paniniwalang may kakayahan ang mga drayber at opereytor sa modernisasyon. Pero sobrang lumiit ang kita niya – mula sa arawang boundary na umaabot ng Php1,300-1,800 kada jeepney noon, kakarampot na Php208.33 na lamang kada araw ang kita ng isang modernong jeepney ngayon. Tatlo ang sinurender na yunit ni Mang Rey – bale, mula sa minimum na Php3,900 arawang kita noon, nakakapanghinang Php625 arawang kita na lang ngayon.
Natulak din siyang magbitiw sa pwesto bilang chairmandahil naging masalimuot na rin ang takbo ng kooperatiba. Bagama’t hindi pa siya tuwirang umaalis dito, napilitan na rin siyang gumawa ng paraan para hindi magutom ang kaniyang pamilya.
Para sa malalaking negosyante at korporasyon ng transportasyon ang PUV modernization program. Hindi para sa mga maliliit na opereytor at drayber. Hindi para sa mga nangangarap na paunlarin ang sektor ng transportasyon at serbisyo nito sa mga pasahero. Hindi para kay Mang Rey. Hindi rin ito para sa mga pasahero. Hindi para sa’yo at sa akin. Daanglibo ang mawawalan ng kabuhayan; daanglibo ang maapektuhan ang paghahanap-buhay. Tama pa rin ang mga welgista: tutulan ang PUV modernization program.