Wow high-end!

August 16, 2022

by Jopar Cruz

Mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, nagbago na ang pamamaraan ng mga guro sa pagtuturo. Ang ilan ay ang modular distance learning kung saan kinukuha ng mga estudyante ang self-learning modules (SLMs), textbooks, activity sheets, study guides, at iba pang study materials. Mayroon ding online class na bagong porma ng flexible learning kung saan gumagamit ng laptop computers, desktop computers, mobile phones, tablets, radio, telebisyon at internet ang guro at estudyante. Naging bahagi ito ng pag-angkop sa pandemya para mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa. Pagtugon din ito sa minimum health protocols na ipinatutupad ng Department of Health (DOH).

Dulot nito, tumaas ang demand para sa computers at iba pang gadgets na siyang kapwa ginagamit ng mga guro at estudyante upang maipagpatuloy ang pagtuturo at pag-aaral.

Upang tugunan ang pangangailangan ng mga guro na magkaroon ng laptop para sa pagtuturo, alinsunod sa Department of Budget and Management’s Procurement Service (DBM-PS) ay bumili ang Department of Education (DepEd) ng 39,583 laptops sa halagang Php58,300 bawat isa.

Wow high-end! Sa ganitong presyo, pihadong magara at mamahalin ang mga computers ng mga guro. Siguro naka RGB keyboard ang mga guro na ito. Sa pagtatantsa ko sa presyo ng laptop na nabili, marahil Acer Predator Helios 300 na naka Intel Core i7 ang processor o hindi kaya ay Lenovo Legion 7I na mayroong din Intel Core i7 processor.

Pero ayon sa report ng Commission on Audit (COA), ang orihinal na rekomendadong halaga ng bawat laptop sa Agency Procurement Request (APR) ng DepEd ay Php35,046.50. Dahil daw sa pag-abot sa Php58,300 ng aprubadong presyo nito, nabawasan ng 28,000 laptop ang maaari sanang magamit pa ng mga guro sa pagtuturo.

Dagdag pang isyu, tama ba ang presyo ng laptop na nabili para sa entry level?

Sa ulat ng COA, ang specs ng mga laptop na nabili ay Celeron na kung titingnan sa pamilihan ay nagkakahalaga lamang ng Php15,000 hanggang Php20,000. Ibig sabihin, overpriced nang Php23,300-Php38,300 ang bawat laptop.

Sa ginawang pagbili ng DepEd sa mga Celeron laptop, mistulang kinukutya at pinagmukhang kaawa-awa ang mga guro dahil halos hindi na nila ito mapapakinabangan dahil sa bagal nito at kalumaan ng processor na ginagamit nito. Idagdag pa rito ang bagal at mahal ng internet sa Pilipinas, mas lalong magiging mahirap para sa mga guro ang pagtuturo dahil sa nakaambang problemang teknikal dahil sa kabagalan ng nasabing laptop.

Lalong mahihirapan ang mga guro at estudyante sa flexible learning kung pati mismong departamento sa edukasyon ang sangkot sa korapsyon. Di kataka-takang mananatiling atrasado at mababa ang kalidad ng matututunan ng mga estudyante kung mananatili ang ganitong mga pangyayari.