Download the Usapang IBON Praymer by following this link: UI Praymer Midyear 2016 CR
Puno ng pag-asa ang pagsalubong ng sambayanan sa ipinapangakong pagbabago ng administrasyong Duterte. Hindi nakapagtataka ang mainit na pagtanggap na ito. Sa nakalipas na anim na taon, inatake ang mamamayan ng lubhang pahirap na rehimeng USAquino. At ngayon, pumalit ang bagong Pangulo na tila handang makinig at tumugon sa daing ng taumbayan.
Ito mismo ang binigyang diin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa talumpati nito noong kanyang inagurasyon. Aniya, sa mamamayan humuhugot ng lakas ang isang demokratikong gobyerno. Kaya naman hindi raw maaaring hindi ito makinig sa hinaing ng mamamayan at damhin ang kanilang pulso. Hindi maaaring hindi nito tugunan ang pangangailangan ng taumbayan at palakasin ang kanilang tiwala sa mga iniluklok nila sa kapangyarihan. Simboliko ang pag-imbita ni Duterte sa mga lider-masa ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa loob ng Malacañang matapos magtalumpati sa kanyang inagurasyon. Kung barikada at pandarahas ng pulis ang isinasalubong sa ilalim ni Pangulong Benigno S. Aquino III, mainit na pagtanggap naman sa inihaing “Adyenda ng Mamamayan” ang ipinakita ni Duterte.