Artificial Intelligence, para kanino?

September 14, 2023

by Jopar Cruz

Face ID, social media, automated emails and messages, Google Search, Digital Voice Assistant, smart home devices, self-driving cars, banks automation, personalized recommendation, robotics. Ilan lang ang mga ito sa aplikasyon ng Artificial Intelligence o AI na matagal na nating nakakasalamuha at nagagamit sa araw-araw. Naging popular ang AI noong 2022 nang ipakilala ang ChatGPT sa madla. Bagamat isang maliit lang na bahagi ito ng maraming paraan na nagagamit ang AI, namangha ang marami sa kakayahan ng ChatGPT.

Namangha na may halong pagkabagabag. Kaya pala ng AI mangatwiran, makagagap at gumampan ng mga gawain para makamit ang mga partikular na layunin. Kaya pala ng computer programs aralin nang malaliman ang mga datos at ideya nang hindi tinutulungan ng tao. Kaya pala ng AI gayahin ang human intelligence. Kaya kaya nitong lampasan ang tao?

Higit sa kontrobersyang ito, ang batayang tanong naman tuwing may abanseng teknolohiya ay kung ang pag-unlad ba nito ay para sa pag-unlad ng lahat. At dito nagkakatalo.

Maraming pakinabang sa AI, pero katulad ng pinagdaanan ng mundo sa kasaysayan na rebolusyong industriyal at teknolohikal, palaging ang malaking pakinabang ay napupunta lang sa kumokontrol ng kapital at teknolohiya at hindi sa lumilikha.

Sa larangan ng manupaktura, pwedeng maging mas produktibo at mabisa ang isang robot o makina kumpara sa ilang manggagawa pagdating sa dami at kalidad ng produkto. Malaking alwan ito sa manwal na paggawa lalo na kung pisikal ang gawain at kinakailangang magbuhat ng mabibigat na bagay na karaniwan ay hindi kayang gawin ng iilang tao lamang.

Sa larangan ng edukasyon, malaking tulong ang AI sa mga estudyante dahil pwede nitong padaliin ang pangangalap ng datos na dati ay kalat-kalat at hindi organisado. Sa mga guro, pwede itong makatulong sa paggawa ng mahuhusay na biswal na nagiging mas epektibo sa pagtuturo. Idagdag pa ang pag-angkop sa pamamaraan ng pagtuturo sa panahong hindi posible ang face-to-face.

Sa kalusugan, malaki na ang iniunlad pagdating sa usapin ng operasyon, kagamitan at medisina. Isang halimbawa nito ay kung paano kinaharap ang COVID 19 pandemic sa pamamagitan ng pangangalap ng impormasyon hinggil sa sakit, at kung paano nakapag-debelop ng bakuna at namekanisa ang paglikha nito.

Pero kaya ba nitong paunlarin ang ekonomiya para mahango ang karamihan sa kahirapan at makinabang sa mga produktong kanilang nililikha? Sa madaling salita, umunlad nga ang produksyon at agham, pero napunta ba ito sa gumawa? Umunlad nga ang makina at teknolohiya dahil sa AI, pero ang desisyon kung para kanino ay nanatiling wala sa kamay ng mamamayan ng mundo.

Mas masaklap ito para sa mga Pilipino. Mayorya ng mga tech giants sa bansa ay malalaking dayuhang korporasyon. Ang makina at teknolohiya na ginagamit ng mga Pilipino, kasama na ang intellectual property rights o karapatang pag-aari ng mga ito, ay kontrolado ng mga dayuhan. Kailanman hindi nakapagpaunlad ang bansa ng sarili nitong teknolohiya at pagmemekanisa na siya sanang may malaking papel sa pagpapaunlad ng agrikultura at industriya. Lagi itong nakasanding sa imported na makina.

Nagiging instrumento pa nga ang mga makabagong teknolohiya para higit na magkamal ng tubo ang malalaking korporasyon. Pinagbabangga ang AI at ang mga manggagawa, kesyo hindi na kinakailangang magbayad pa ng taong gagawa at kaya nang gawin ng makabagong makina at teknolohiya ang kanilang trabaho. Sa kalaunan, lalapad ang kawalan ng trabaho at lilikha ito ng kondisyon kung saan lalong pang babaratin ang mga manggagawa.

Mas masaklap para sa mga Pilipino dahil hindi tinatanaw ng gobyerno ng Pilipinas na paunlarin ang kabuhayan ng mayorya ng mamamayan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong kagamitan at teknolohiya. Malaki sana ang potensyal ng bansa sa industriyalisasyon dahil sa laki ng yamang mineral nito, pero sa una pa lang ay hindi na patakaran ng gobyerno ang paunlarin ang sariling agrikultura at industriya. Niluluwas lang din nito ang yamang mineral para sa kapakinabangan ng mga industriyalisadong bansa. Nahuhumaling lang ito sa mga patakarang neoliberal na maka-dayuhan at maka-malalaking kapitalista, habang ang mayorya ng taumbayan ay alipin lang ng makabagong teknolohiya. Nahuhumaling lang ito sa galing ng AI na para bang kayang lampasan ng artificial intelligence ang responsableng paggogobyerno.

Hangga’t wala sa kamay ng taumbayan ang kagamitan at teknolohiya, masasabi natin na hindi pa rin nakalalampas ang tao sa sarili nitong pagkalugmok.