Sa pagtatapos ng taong 2025, wala nang duda na papalubog ang tahakin ng ekonomiya sa ilalim ni Marcos Jr. Mabilis na idinahilan ng kanyang economic managers ang iskandalo ng talamak na korapsyon na natunghayan ng sambayanan. Oo, ang lala ng korapsyon, pero hindi nito lubusang maipaliliwanag ang kronikong kahirapan at kagutuman, kawalan ng disenteng kabuhayan at trabaho, at kakarampot na pampublikong serbisyo. Hindi nito kayang bigyan-dahilan ang usad-pagong na ekonomiya.
Nakaubos pasensya para sa taumbayan na makitang wala pa ring nakukulong sa mga sangkot sa katiwalian, at sa halip ay ginagamit lang ng mga kampo ng mga Marcos at Duterte ang isyu para sa kanilang kompetisyon para sa 2028. Samantala, lumalala lang ang kabuhayan at panunupil sa mamamayan. Totoong nagalit ang bayan, pero itinuon ito sa mga mas matataas na diskurso ng demokratikong pagkilos at mga malawakang mobilisasyon — ito ang kakaharapin ng bansa sa 2026.