IBON Praymer: Ang pagwawakas sa rehimeng Duterte

July 17, 2021

by IBON Foundation

Download PDF

Huling taon na ng gobyernong Duterte, subalit hindi pa rin nakukuha ng mamamayan ang sensible, makatwiran at mahusay na paggogobyerno sa harap ng napakalalang krisis ng Pilipinas.

Nagdulot ng malubhang krisis pang-ekonomiya at panlipunan ang padaskol-daskol at palpak na pagtugon ng gobyernong Duterte sa COVID-19. Idinahilan pa ng rehimen ang pandemya para ipagtulakan ang mga patakarang pumapabor lamang sa negosyo ng mga lokal na oligarkiya sa ekonomiya at dayuhan. Napatunayan nang malupit at nakasasama sa mayorya ng mamamayan ang mga patakarang ito, subalit ito pa rin ang naging prayoridad ng pamahalaan.

May pansariling motibo na nakalakip sa pagiging maka-oligarkiya at maka-dayuhan si Duterte. Sa kabila ng malawakang kapabayaan at kawalan ng gobyernong nagmamalasakit, nakuha pa ngayon ng kanyang pangkatin na mag-maniobrang makapanatili sa poder.

Matingkad na ang nananatiling pag-asa ng mamamayan, ang liwanag sa dulo ng kadilimang ito, ay ang wakasan na ang pamamayagpag ni Duterte at ng kanyang mga kasapakat.