Walang Usad

February 18, 2026

by Ma. Emmylou Solidum

Puno ng pangarap. Yan ang tingin ko dati sa Metro Manila.

Pero minsan, naipit ako sa traffic papasok sa bago kong opisina, naglaho lahat ng kasabikan ko sa Metro Manila. “Ganito pala sa Maynila—mainit, mausok, masikip, at sobrang ma-trapik.”

Maganda naman ang Kamaynilaan, kung tutuusin. Kaya lang, masyadong maraming sasakyan, bagay na nagpapakapal sa polusyon at nagpapabigat ng trapiko. Parusa sa mga komyuter na katulad ko.

Para makapasok sa trabaho, kailangan kong lumuwas galing sa Cavite patungong Quezon City (QC). Kadalasang inaabot ng halos tatlong oras papunta, at syempre tatlong oras ulit pauwi. Isang linggo pa lang akong pumapasok sa QC, nahirapan na ako. Nakakapagod. Nakakaubos. Ang oras kasi na dapat na ilaan ko na sa pagpapahinga, naubos na dahil nasa South Luzon Expressway (SLEX) pa rin ako, ano’ng oras na ng gabi, ipit pa rin sa gitna ng trapiko. Maswerte na lang kung makasakay agad ako ng bus at makaupo nang ayos dito.

Hindi ito biro, at #danas ko kung gaano kahirap ang sitwasyon ng maraming Pilipinong nakikipagsapalaran sa araw-araw na pagbyahe. Bukod sa nasasakripisyo ng mga komyuter ang pansariling oras para rito, unti-unti ring kinakain ng matagal na komyut ang mental at pisikal na kalusugan ng mga komyuter. Isang linggo pa lang ako sa bagong trabaho, pero heto ako ngayon at nilalagnat na, sick leave agad. Paano na lang kaya ‘yung milyon-milyong komyuter na matagal na itong ginagawa?

Habang naiipit ang bus na sinasakyan ko sa gitna ng trapiko ng Kamaynilaan, naisip kong ipagpatuloy na lang ang pagbabasa ko ng Transport Series #1: Metro Manila’s Transport Chaos ng IBON Foundation para naman kahit papaano ay maging produktibo ako. Sa pagbabasa, nalaman ko na mayroon naman palang mga pag-aaral at plano para sa transport system ng bansa, katulad na lang ng Urban Transport Study in Manila Metropolitan Area (UTSMMA) at ang Metro Manila Transport, Land Use and Development Planning Project (MMETROPLAN).

Para mabawasan ang bigat ng trapiko sa Metro Manila, pinahalagahan ng UTSMMA ang pagkakaroon ng railway network at ang pagmo-modernisa ng Philippine National Railways (PNR) habang ang MMETROPLAN naman ay nagbigay ng short-term recommendations na nakapokus sa paggamit ng mga jeep at bus, pagbibigay ng prangkisa sa mga ito, ang pagpataw ng toll fees, at ang pag-develop ng Commonwealth Avenue sa QC at ng Sucat sa Parañaque. Sa dalawang ito, mas binigyang pansin ng administrasyong Marcos Sr ang pagsasakatuparan ng MMETROPLAN, palibhasa mas mura lang ito at malamang mas malaki ang kickback? Bagay na pinaniniwalaan ng mga iskolar ng Unibersidad ng Pilipinas na siyang may sala sa underdevelopment ng transport system ng Metro Manila at ang krisis na kinakaharap nito sa ngayon. Samantalang ang UTSMMA, pinaniwalaan nila na maaaring makalutas sa problema sa trapiko ng Metro Manila, kung fully implemented lang sana.

Nakalulungkot at nakagagalit lang isipin na may pwede sanang iaayos ang transport system ng bansa kung naging maayos lang ang mga desisyon ng mga nakalipas na administrasyon. Nagbabayad naman tayo ng buwis nang tama, pero tayo rin ang nagbabayad sa mga maling desisyon ng pamahalaan. Hindi sana tayo nagdudusa sa ngayon at namamatayan ng mga pangarap sa traffic.

Bilang isa sa milyon-milyong komyuter, naglalaro pa rin sa aking isip kung ganito na lang ba ang palaging daranasin ng mga Pilipino sa araw-araw? Wala na ba talagang pag-asang umayos ang sistema? Gaya ng mga kapwa ko komyuter, naghahangad pa rin ako ng matinong serbisyo sa tao mula sa ating gobyerno.

Biglang pumugak-pugak sa pag-andar ang sinasakyan kong bus, halos tumilapon ang kunduktor—natapon din mga ilusyon ko at nagising sa katotohanan na nasa SLEX pa rin ako.