Hindi Totoong Maka-mahirap Ang TRAIN Ni Duterte

October 11, 2017

by IBON Foundation

 

  1. Ano ang TRAIN?

Itinuturing na ‘urgent’ ng gubyernong Duterte ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN. Layunin ng TRAIN na makalikom ng P1.3 trillion para tustusan ang Build! Build! Build! o ang engrandeng programa sa imprastruktura ng pamahalaan. Itutulak daw nito ang pambansang pag-unlad at ang kapakanan ng mahihirap.

Sa ilalim ng TRAIN, bababa ang personal income tax ng mga kumikita ng mas mataas kaysa minimum wage, at may mas mababang 6% flat rate para sa estate (mana) at donor (mga donasyong higit P100,000.) taxes.

Dagdag namang bubuwisan ang ilang mga produktong pangkonsumo na dati ay hindi saklaw ng 12% Value Added Tax o VAT tulad ng local shipping, low o socialized housing, power transmission at cooperatives (pero mananatiling exempted ang mga senior citizen at persons with disabilities o PWD). May bago at/o dagdag ring excise tax sa produktong petrolyo, mga pinatamis na inumin (sugar-sweetened beverages o SSB), at mga automobile.

 

  1. Ano ang konteksto ng TRAIN?

Bumabagal ang ekonomiya: humihina ang OFW remittances, tumataas ang global interest rates, at may krisis sa US, EU, Japan, at China. Batbat rin ng kontrobersya sa pulitika ang Pilipinas mula sa madugong anti-drugs war at matinding human rights violations kaakibat ng militarisasyon ng burukrasya at mga bangayan sa hanay ng mga burukrata. Kinakailangang bigyang-diin na habang pinatatampok ng rehimeng Duterte ang anti-drugs war at iwinawasiwas ang military rule, isa-isa nitong inilulusot ang mga kontra-mamamayang patakaran. Halimbawa, bukod sa TRAIN, naipasa na sa ikatlong pagbasa ng Kongreso ang mga panukala tungkol sa compressed work week at public utilities. Ang mga prayoridad na bill ng rehimen ay yaong mga lalo pang magpapadulas sa neoliberalismo.

Samantala, ang mga nakikita ng gubyerno na solusyon sa pagbagal ng ekonomiya at kontrobersya sa pulitika ay ang sumusunod: (1) pagpapataas ng infrastructure spending gamit ang malilikom sa TRAIN, at (2) pagpapanatiling mataas ng investment grade credit ratings (rekord sa pangungutang ng Pilipinas) para (a) makapangutang ang gubyerno (para mapataas ang infrastructure spending), at (b) maging madali para sa mga negosyante ang mangutang (para mapadulas ang private investments).

 

  1. Kanino ang mas mabigat na pasanin sa TRAIN?

Sa pinakamahihirap ang mas mabigat na pasanin sa TRAIN. Regresibo pa rin ang tax system na ito.

Ayon sa upisyal na datos: Ang pinakamayayamang 20% Filipinos lamang ang kumikita ng family living wage (o halagang kailangan ng pamilyang may 5 myembro para mabuhay nang disente) pataas (sa abereyds, P30,000 para sa 5 katao), samantalang kulang na kulang ang kinikita ng pinakamahihirap na 80% kumpara sa kailangan para mabuhay nang disente bawat araw.

Pero pantay lamang ang halaga na bubuwisin sa kanila sa mga dagdag na buwis samantalang babawasan pa nga ang sisingiling buwis sa pinakamayayaman.

Tandaang walang ganansya sa mas mababang personal income tax ang mga kumikita ng minimum wage pababa dahil exempted sila sa pagbayad nito. Habang mainam para sa ilang nasa middle class ang mas mababang personal income tax, hindi makatuwiran na babawasan pa ng obligasyong buwis yaong mga kumikita na ng limpak-limpak na salapi. Hindi makatuwiran na bigyan ang isang corporate executive na kumikita na ng Php 303,059 kada buwan (o Php 3.7 milyon kada taon) ng dagdag na Php 1,212.  Hindi rin makatuwiran na ang chief executive officer ng isang kumpanya, na kumikita ng Php 706,017 kada buwan (o Php 8.5 milyon kada taon), ay buwisan lamang ng Php20,694.

Sa TRAIN, gagaan ang pasanin ng pinakamayayaman, na antemano ay malaki ang kita. Gagaan ang pasanin ng pinakamayayaman sa pagbaba ng personal income tax at sa flat rate na singil sa estate at donor tax.

Madadagdagan ang iniuuwing kita ng nasa pinakamayayamang sambahayan. May netong ganansya sila dahil mas malaki ang nadagdagan nilang iniuuwing kita dahil sa mas mababang personal income tax kaysa sa mawawala sa kanila dahil sa dagdag na VAT, buwis sa langis, sa auto, sa matatamis na inumin at sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Mananatili ang netong ganansya kahit isalik ang mas mataas na buwis sa automobile laluna sa mga tinatawag na high-end luxy car:

Bahagdan ng populasyon ayon sa kita Paglalarawan Buwanang kita Madadagdag sa kanila taun-taon:
Ikapitong bahagdan 2.3 milyong pamilya na may mataas na kita Php 24, 524 Php 3,167
Ikawalong bahagdan 2.3 milyong pamilya na may mas mataas na kita Php 32,565 Php 7,906

 

Ika-syam na bahagdan 2.3 milyong pamilya na may lalong mas mataas na kita Php 47,710 Php 14,027
Ikasampu’t pinakamataas na bahagdan Pinakamayayamang 2.3 milyong pamilya Php 115,428 Php 33,795

 

Ganito ang mababawas sa nakokolekta ng gubyerno mula sa pinakamayayaman:

Mas mababang personal income tax Php927 billion
Flat rate sa estate at donor tax Php16.9 billion

 

Sa TRAIN, mas bibigat ang pasanin ng pinakamahihirap, na antemano ay kulang-kulang ang kita. Dagdag pabigat sa pinakamahihirap ang higit na bayarin dahil sa dagdag na aytem na papatawan ng VAT, ang bagong excise tax sa langis, at ang tax sa SSB. Halimbawa, ayon sa Bayan Muna, magmamahal nang lampas Php600 ang LPG. Lalampas sa Php2,000 kada buwan ang bayarin ng mga abereyds na kumokonsumo ng kuryente. Lalampas sa Php60 ang presyo ng Coke. Magmamahal ang mga delata nang mahigit Php3.00.

 

Kukunan pa ng gubyerno ang bulsa ng pinakamahihirap na mamamayan:

Bahagdan ng populasyon ayon sa kita (income decile) Paglalarawan Abereyds na buwanang kita (2018) Mababawas sa kanila taun-taon:
Unang pinakamababang bahagdan Pinakamahihirap na 2.3 milyong pamilya Php 5,106 Php 807
Pangalawang bahagdan Sumunod sa pinakamahirap na 2.3 milyong pamilya Php 8,250 Php 1,264
Pangatlong bahagdan Sumunod pang pinakamahirap na 2.3 milyong pamilya Php 10,652 Php 1,601
Pang-apat na bahagdan Sumunod na  pinakamahirap na 2.3 milyong pamilya Php 12,987 Php 1,985
Panlimang bahagdan Sumunod na pinakamahirap na 2.3 milyong pamilya Php 15,760 Php 2,599
Pang-anim na bahagdan Sumunod na pinakamahirap na 2.3 milyong pamilya Php 19,335 Php 3,794

 

Sumusunod ang dagdag na makokolekta ng gubyerno:

Dagdag na aytem na saklaw ng VAT Php658.4 billion
Bagong excise tax sa langis Php681.7 billion
SSB Php259.6 billion
Automobiles (mas sa mga may-kayang bumili nito) Php143.4 billion

 

  1. Hindi ba masasalag ng ‘social protection’ ang impak ng buwis sa pinakamahihirap?

Hindi sustenidong masasalag ng ‘social protection’ ang impak ng buwis sa pinakamahihirap. Sa TRAIN, may planong gawaran ng Php2,400 kada taon ang 10 milyong pinakamahihirap na sambahayan sa 2018. Magkakaroon din diumano ng pantawid pasada. Pero para lamang ito sa taong 2018. Pansamantala lamang at samakatwid ay panandaliang pampalubag-loob lamang ang naturang ‘social protection’.

 

  1. Hindi ba magdudulot ng mas mahusay na panlipunang serbisyo para sa pinakamahihirap na Pilipino ang mga bagong imprastruktura?

Hindi talaga para sa panlipunang serbisyo kundi para sa imprastrukturang pangnegosyo ang TRAIN. Mabibisto ito sa alokasyon ng panukalang 2018 budget para sa imprastruktura sa isang banda, at para sa mga panlipunang serbisyo sa kabilang banda.

Malaki ang itinaas ng alokasyon sa imprastruktura kumpara sa serbisyong panlipunan. Sa panukalang budget, 27.5% ang itinaas ng alokasyon para sa gastos sa imprastruktura mula 2017 (Php861 billion) patungong 2018 (Php1.1 trillion). Malaki ito kumpara sa kakaunting 5.4% lamang na itinaas ng alokasyon para sa panlipunang serbisyo. Kalakip dito ang dambuhalang 68.9% pagbawas ng alokasyon sa pabahay at gagasino namang pagtaas sa social welfare (5.2%), edukasyon (5.8%), at kalusugan (9.2%). Sa usapin ng kalusugan, mababawasan pa nga ng Php16.7 bilyon ang mga programa para sa preventive health o pag-iwas sa sakit).

Ayon sa paghahanay ng mga proyekto, balak paglaanan ng mas malaking gastos sa imprastruktura ang mga rehiyon na mababa ang poverty incidence. Mababa naman ang balak na paggastos sa imprastruktura sa mga rehiyon na mataas ang poverty incidence. Halimbawa, pinakamababa ang official poverty incidence (porsyento ng populasyon na nabubuhay sa Php61 pababa kada araw) ng National Capital Region (NCR) na 3.9%. Ngunit kinokopo nito ang pinakamalaking bulto ng flagship infrastructure projects na nagkakahalaga ng Php343 billion. Halimbawa, ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), na may pinakamataas na official poverty incidence na 53.7%, ay kabilang sa may pinakakaunting flagship infrastructure projects na nagkakahalaga lamang ng Php5.4 billion.

Malinaw na hindi nakatuon ang imprastruktura (mga kalsada, tulay, flyover, train system, airport at seaport) sa pinakamahihirap na rehiyon. Katunayan, hindi ito ang tipo ng imprastruktura na direkta at pangunahing kinakailangan at magagamit ng pinakamahihirap tulad ng mga pampublikong eskwelahan, ospital, pabahay, tubig, kuryente, irigasyon at pabrika. Bagkus, ito ay mga imprastruktura na pagkikitaan ng malaking halaga ng mga burukrata, mga kumprador at kakontratang dayuhang bansa o korporasyon.

 

  1. Ano ang mahalaga sa anumang tax program?

Pinakamahalagang isaalang-alang sa anumang tax program, na hindi ikinonsidera ng Department of Finance (DOF), na:

Matindi ang income inequity o agwat sa pagitan ng kita ng pinakamayayaman at pinakamahihirap. Ibig sabihin, may mas malaking kakayahan ang pinakamayayaman na magbayad ng buwis.

Napakababa ng kita ng mayoryang pinakamahihirap. Hindi na nila kayang mabawasan pa ang kakarampot na kita.

 

  1. Ano ang dapat gawin?

 Isakatuparan ang progresibong tax system: Taasan pa ang direct taxes gaya ng personal income tax at corporate income tax; at babaan pa ang indirect taxes gaya ng VAT at iba pang buwis sa produktong pangkonsumo.

Isakatuparan ang mga sumusunod na pansamantalang hakbang: (1) Bawasan ang pasanin ng mahihirap o imantine ang eksempsyon sa mga produktong direktang apektado ang pinakamahihirap; (2) Dagdagan ng buwis ang pinakamayayaman, laluna, dagdagan ang buwis sa pinakamatataas na income bracket; at (3) Ispesipikong paglaanan ng badyet ang mga esensyal na panlipunang serbisyo.

May Php409 bilyon pa ngang hindi nakokolektang potensyal na corporate income tax. Dagdag rito, Php3.7 trillion ang pinagsamang yaman ng 40 pinakamayayamang Pilipino. Kung dadagdagan ang singil sa pinakamayayaman:

 

Pinakamayayamang 150,000 pamilya o pinakamayayamang 0.7% Dagdagan ang buwis ng 20%  ng kita nila Makakalikom ng Php71 billion
Sunod na pinakamayayamang 171,000 pamilya o sunod na 0.8% pinakamayaman Dagdagan ang buwis ng 10% ng kita nila Makakalikom ng Php20 billion

 

Ang TRAIN ay itinutulak pangunahin ng mga neoliberal na economic managers ng rehimeng Duterte sa pangunguna ng mga pinuno ng DOF, Department of Budget and Management, at National Economic and Development Authority. Suportado rin ito ng mga pinakamayayamang kinabibilangan ng mayorya ng mambabatas ng House of Representatives (HOR), mga ekonomista, malalaking negosyante at mga grupo nila, ng mga pinansyal na institusyon tulad ng Deutsche Bank, Nomura at iba pa. Tinangka ng Senado na palabnawin ang ilang kontra-mahirap na bahagi ng TRAIN pero nagbabanta ang DOF na igigiit nito ang orihinal na bersyon. Kamakailan, ikinalugod pa ng Malacanang ang pagpuri ng American Chamber of Commerce sa TRAIN bilang ‘progresibo at inklusibo’.

Dapat lamang idiskaril ng mamamayan ang TRAIN dahil sa pagiging garapal na pagiging kontra-mahirap at maka-mayaman nito. Desidido man ang gubyernong Duterte na mapirmahan ang TRAIN bago matapos ang 2017, kailangan itong puspusang mailantad bilang isa sa listahan ng mga maka-negosyo at maka-dayuhang patakaran na magpapanatili ng kahirapan at kawalang-pag-unlad sa bansa.

 

Nag-estima at sumangguni sa datos ng Department of Finance at Bayan Muna tungkol sa TRAIN. Oktubre 2017.