Laban ng tsuper, komyuter at bayan sa huling buwan ng taon

December 12, 2023

by Charmaine Navarrosa

Ilang linggo na lamang at matatapos na naman ang taon. Unti-unti na nating nararamdaman ang mga pagdiriwang ng nalalapit na Pasko at New Year. Malamang yung iba ay naglilista na rin ng kanilang New Year’s resolutions, dahil ang panibagong taon ay simbulo ng pag-asa, na may pagkakataon pang magbago para sa ikagiginhawa ng buhay.

Ngunit hindi lahat ay nagdiriwang sa mga panahong ito. Bagkus, takot at pangamba ang nasa kanilang mga puso dahil sa nagbabadyang unos sa kabuhayan nila sa pagtatapos ng taon. Nakakalungkot isipin na kung sino pa ang naghahatid sa atin sa ating mga destinasyon, ay sila pang ang iiwan natin sa tinatawag ng iba na pag-unlad at mapanuyang ‘modernisasyon’.

December 31, 2023 ang ibinigay na taning ng pamahalaan para isuko ng mga jeepney driver at opereytorang kanilang mga prangkisa at magpakonsolida. Ilang linggo na lamang at tuluyan nang ipagbabawal sa kalsada ang mga tradisyunal na jeep na hindi konsolidado, kahit na ilang dekada nang nagseserbisyo sa masa. Saglit na lang at tayo’y matatanggalan ng isang malaking parte ng ating kultura.

Inilunsad ng administrasyong Duterte ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na may nasasaad na hangaring paunlarin ang pampublikong transportasyon sa bansa. Noong ika-19 ng Hunyo 2017, ibinaba ng Departamento ng Transportasyon (DOTr) ang Department Order No. 2017-011, o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG), na may layunin diumanong gawing mas epektibo, ligtas, sapat, maasahan at makakalikasan ang mga pampublikong sasakyan sa ating mga kalsada.

Kahit sabihing layunin ng programang ito na paunlarin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas, tila hindi nagtutugma ang mga ‘solusyon’ ng gobyerno na nakasaad dito, bagkus ay nagdadala ito ng marami pang problema at maaring maging sanhi ng mas matindi pang krisis sa bansa.

Bagamat lahat ng PUV tulad ng UV express o tricycle ay saklaw ng programa, nauna na itong ipatupad sa tinagurian nating ‘Hari ng Kalsada’.

Pero dahil ang isang totoong hari ay sumeserbisyo sa kaniyang mga tao at hindi rin sumusuko nang walang laban, isang linggong nag-tigil pasada noong Nobyembre 20-24 ang mga tsuper at opereytor ng jeep para tutulan ang programang ito. Ang laban na ito ay hindi lamang para sa kanila, kundi para sa mga driver ng iba pang PUV, mga komyuter, at mayorya ng masang Pilipino, kaya nakasama rin nila ang mga ito sa tigil-pasada.

Nasaksihan ko sa loob ng isang linggong welga ang lahat ng mga hinaing at pinaglalaban ng mga jeepney drivers at opereytor. Narinig at nakita ko ang kanilang mga panawagan sa bawat chant na kanilang isinisigaw at mga hawak nan plakard. Ang mga pahayag na ito ay hindi lamang ginawa upang kalabanin ang gobyerno. Bawat isa ay sumasalamin sa reyalidad ng mga Pilipino; bawat titik at salita ay isinulat nang may kahulugang nakadikit sa pagnanais ng kaunlaran para sa lahat.

Junk PUV Modernization Program”

Una sa lahat, ang mga ‘modernized jeep’ (na minibus kung tutuusin)  ay hindi tunay na sagot sa lumalalang polusyon sa hangin. Paanong magiging pangunahing kontribyutor ng usok ang mga tradisyunal na jeepney kung mahigit 2% lamang sila ng kabuuang dami ng mga sasakyan sa bansa? Higit pa rito, bukod sa pagbenta sa atin ng mga de-latang ‘modernized jeep’, tatambakan lang din naman tayo ng mga foreign manufacturers ng lumang Euro 4 engines habang sila ay nasa Euro 6 na. Mistulang ginagawa tayong basurahan.

Napakamahal din ng presyo ng mga modernized jeep. Ang isa nito ay nagkakahalagang mahigit Php 1.8 milyon para sa mga gawang lokal at Php 2.6 hanggang Php 4 milyon naman sa imported. Malaking problema rin sa mga opereytor ang maintenance. Hindi tulad ng kanilang mga sariling tradisyunal na jeep na pwede nilang butintingin, ang mga modernized na jeep ay kailangan pang dalhin sa kasa upang ipaayos at ginto din ang presyo ng mga piyesa nito. Marami na ring consolidated jeepney drivers ang nagrereklamo sa karupukan ng mga modern jeep. Dahil kahit noong taong 2018 lamang nila ito nakuha, marami nang sakit ang mga sasakyan at nagbubuga na rin ito ng maitim na usok.

Dagdag pa rito ang pinansyal na bigat ng pagbuo ng kooperatiba. Kailangan may 40 o higit pang yunit at malaking lupain upang gawing garahe. Iniisip ko pa lang ang suma-total na gastos para sa modernisasyon na ito ay sumasakit na ang bulsa ko para sa mga jeepney driver at opereytor. Alam ko na sa kakarampot na kita nila ay hindi nila alam kung saan kukuha ng buwanang pambayad.

At kung hindi kakayanin ng drayber at opereytor ang gastusin para sa pagpapalit mula tradisyunal papuntang modernisadong jeep, komyuter naman ang magdadala ng pasaning ito. Tinatayang aabot ng Php40 ang magiging minimum fare kung sakaling matuloy ang programa. Pero nagmamahal hindi lang pamasahe kundi pati na rin ang presyo ng mga pagkain at iba pang commodities. Lalo pang malulugmok sa kahirapan ang mga Pilipino.

Kung sakali man na wala nang pagtutol at pumayag na ang lahat na magpakonsolida, hindi rin naman mapapalitan ang kabuuang bilang ng mga jeep. Simula nung ilunsad ang programa, mayroon pa lamang 5,000 modern jeeps sa sirkulasyon. Ayon sa Center for Inntegrative and Development Studies, mukhang kailangan nating maghintay ng 270 pang taon bago mapunan ang matagal nang kakulangan sa pampublikong sasakyan. Sa ngayon, magsiksikan muna tayo sa noon pa mang mala-sardinas na ipitan sa mga bus at tren.

“Itigil ang masaker sa aming prangkisa at kabuhayan”

Naaalala ko pa nang minsan kaming bumisita sa isang JODA sa Pasig. Hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi ng isang jeepney driver sa amin: ‘Kahit ibigay pa nila sa’kin nang libre ang modern jeep, hindi ako papayag sa (PUV) modernization (program).’ Kung tatanggalan sila ng prangkisa, ang kanilang mga dyip ay mag-aanimong latang walang silbi.

Sa pinakapundasyon ng PUVMP ay ang OFG. Kung nais magpatuloy ng drayber o opereytor sa pamamasada, kailangan niyang isuko ang kaniyang prangkisa, pumasok sa kooperatiba at magpakonsolida sa isang pribadong kompanya. Ayon sa gobyerno, ito raw ay para sa ikabubuti ng fleet at route management.

Maihahalintulad ito sa pagkakaroon ng munting sari-sari store na bumubuhay sa’yong pamilya. Isang araw, biglang sinabi ng gobyerno na ipapasara na lahat ng tindahan sa lugar niyo – pero pwede mo itong ibenta at maging parte ng isang chain of sari-sari stores. Ang sarili mong tindahan ay magiging ‘branch’ na lamang, at hindi mo na ito pag-aari. Bukod pa rito, ang lahat ng gastusin ng iyong sari-sari store ay ikaw din ang magpipinansiya, pero ang kabuuang kita ay hindi sa’yo mapupunta – dahil ikaw ay empleyado na lamang.

Sa iilang dayalogo, pumostura ang gobyerno na pag-aaralan at tutugunan nila ang mga kahilingan ng mga tsuper at opereytor maliban sa pagbawi sa OFG. Pero kung isusuko ng mga opereytor ang kanilang prangkisa, mawawalan sila ng kontrol sa sariling kabuhayan. Kaya naman, ang phaseout na ito ay hindi lang pagpapalit ng tradisyunal sa modernong jeep – ito ay isang tahasang pagpawi sa ikinabubuhay ng ating mga jeepney driver at opereytor.

Ang OFG rin ay unconstitutional dahil walang may karapatan na pilitin ang sinuman na pumasok sa kooperatiba. Tayo, bilang mga komyuter, ay tinatanggalan din ng karapatan sa mabisa at abot-kayang transportasyon.

“Laban ng tsuper, laban ng komyuter”

Wala namang tumututol sa mas ligtas, mas kumportable, at mas makakalikasan na pampublikong sasakyan. Lahat naman tayo ay nagnanais nito, at ‘yun din naman ay sangkap sa pagbabago at pag-abante ng ating bansa.  Pero ang buong PUVMP ay hindi para sa masang Pilipino. Hindi ito ikagiginhawa ng buhay ng mga jeepney drivers at operators, at lalong hindi rin ng mga komyuter.

Kung hindi para sa ating ordinaryong Pilipino, para kanino ba talaga ang PUVMP?

Para ito sa mga imperyalistang bansa na nagpapalakas ng kanilang mga industriya sa pamamagitan ng sapilitang pagpasok sa ating ekonomiya. Kitang-kita ito sa kung paanong pinaprayoridad ng gobyerno ang pag-iimport kaysa maglunsad ng programa para sa pambansang industriyalisasyon.

Para rin ito sa mga kaalyadong oligarkiya ng palasyo. Sino lamang ba ang may kakayanang magpondo ng ganito kalaking negosyo, hindi ba’t ang mga mayayamang negosyante lang din naman? Ngayon pa lamang ay mayroon nang Beep Jeep ang mga Araneta at Byahe naman kay Manny Pangilinan. Naglalaan pa ang huli ng Php 1.5 bilyon para sa pagbili ng dagdag pang mga yunit. Payayamanin din ng PUVMP ang mga bangko, na pinapabango sa atin na pwedeng pag-utangan, na parang ang dali-dali humanap ng pambayad para dito.

Kitang-kita kung paano ginagawang negosyo and mga dapat ay pampublikong serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng mga neoliberal nilang patakaran. Ang OFG ay isang malaking pribatisasyon na pumapabor sa naghaharing-uri at hindi sa mayoryang Pilipino.

Hindi naman sobra-sobra ang hinihingi nila kundi sapat lang upang sila ay makapamuhay nang marangal – ‘bare minimum’ kung paano natin tawagin ngayon.  Pero bakit parang ganu-ganoon na lamang kung sila ay pagdamutan ng gobyerno.

Sa ngayon ay wala pa ring kongkretong plano ang gobyerno kung paano ipapatupad ang PUVMP. Wala ring alokasyon ni singkong duling ang PUVMP sa 2024 national budget. Ang mahalaga, maipasuko na ang prangkisa. Harap-harapan na naman tayong tinatanggalan ng kapangyarihan ng mga taong nangako ng mas maginhawang buhay para sa lahat.

Kaya naman sa darating na ika-14 at 15 ng Disyembre, tayo’y muling tumungo sa lansangan at ipakita sa gobyerno na ang tangi lang naman nating hangad ay ang makasama ang lahat sa pagbabago tungo sa isang mas maunlad na nasyon. Makisigaw at makiisa dahil sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter.