Regalo

May 14, 2023

by Jopar Cruz

Magagarang mga bulaklak, walang kasingtamis na mga cake, at ang pinaka-popular, ang boquet ng perang papel.

Ilan lamang yan sa mga karaniwang natatanggap ng ating mga ina tuwing Mothers’ Day bukod sa matatamis na pagbati at yakap ng kaniyang mga anak, asawa at mga kaibigan.

Pero sa aking magulang na nag-iisa na lamang sa buhay, walang asawa na babati sa kaniyang ispesyal na araw ng “Happy Mother’s Day!”.

Matagal tagal na ring byuda ang aking ina. Ang ilaw ng aming tahanan ay siya na ring gumampan sa pagiging haligi ng tahanan. Sa aming sampung magkakapatid, mayorya ay may kani-kaniya nang pamilya kaya’t napakaliit na lamang ng panahon na nailalaan nila upang kumustahin at makausap ang aming ina. Ako nalang yata at ang bunso naming babae ang hindi pa nag-aasawa. Ganoon pa man, ako lang ang nakakasama ng aking ina sa bahay bukod sa alagang pusa na ibinilin ko rin sa kanya. Ako nalang din ang nakakausap niya hinggil sa mga problema sa paligid na kinakaharap niya. Bagaman nariyan parin ang presensya ng mga kapatid ko dahil magkakapitbahay lang naman kami, mayroon talagang hindi pagkakaunawaan kapag usapin na ng politika ang nasa mesa.

Pag-aalaga ng mga hayop katulad ng manok, pato, baboy at paghahalaman ang pinagkakaabalahan ng aking ina. Dito nauubos ang kaniyang oras sa maghapon magmula sa paglilinis ng kulungan sa umaga at pagpapaligo. Maghahakot pa iyan ng pagkain ng baboy na binili sa mga palengke at pagkatapos ay hihiwain at ipapakain. Magdidilig ng mga halaman sa paligid at pagkatapos ay pupunta pa ng bukid para magtanim.

Sa mahal ng bilihin sa ngayon, napakahirap para sa isang ina kung papaano pagkakasyahin ang maliit na kinikita para sa pangaraw-araw na gastusin.

Hindi ko na maisa-isa pa ang napakaraming gawaing bahay na ginagampanan ng aking ina simula pa noong nabubuhay ang aking ama at ngayong siya na ang gumagampan ng lahat ng gawaing iyon.

Idagdag mo pa ang katayuan ng isang babae sa ating lipunan na siya pa lalong nagpapahirap sa kalagayan ng mga kababaihan.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, isa ring aktibista ang aking ina. Namulat siya noong panahong nabubuhay pa ang aking ama hanggang sa kasalukuyan. Dagdag sa kaniyang gawain sa loob at labas ng tahanan, bitbit din niya ang panawagan ng lahat ng ina, gayundin ang panawagan ng maraming Pilipino para sa mababang presyo ng mga pangunahing bilihin at ayuda para sa mga mahihirap na sektor ng lipunan.

Bilang isang anak, nakaka-pressure para sa akin kung papaano ko masusuklian kahit sa isang ispesyal na araw lamang — ang buong buhay na pag-aaruga ng aking ina sa aming magkakapatid bukod sa wala akong maibigay sa mga nabanggit ko sa itaas; ang hindi matapos-tapos na payo at diskusyon namin na minsan ay nagdudulot pa ng tampuhan.

Ganunpaman, iisa lamang ang hinahangad, kung ano ang hinahangad ng akin ina. Kung ano ang ipinaglalaban ng aking ina ay ipinaglalaban ko rin.

Wala nang mas tatamis pa sa ngiti ng iyong magulang na malaman na parehas kayo ng tinatahak na landas. Hindi man madali ang landas na aking tinatahak, para sa akin ito pa rin ang pinakamagandang Mother’s Day gift na maibibigay ko sa aking ina.###