Modernong Jeep: Saan na pupulutin ang komyuter?

April 15, 2024

by IBON Foundation

Ilang araw na lang, mawawala na sa kalye ang mga lumang jeep na hindi nakapagparehistro nang konsolidado sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan. Abril 30 ang deadline, dating Enero 31 na iniurong nang makailang beses dahil sa pagtutol ng publiko.

Sala-salabat ang mga isyu sa kontrobersyal na PUVMP. Pangunahin dito ang phaseout ng mga tradisyunal na jeep at pagpasok ng mga modernong yunit. Inoobliga ang mga opereytor at drayber na magpalit ng makina, kaha at iba pang teknolohiya, magpailalim sa kooperatiba, at magparehistrong konsolidado sa halip na hiwa-hiwalay, at kung hindi ay aalisin na sa kalye.

Kasinghalaga pero hindi masyado tinatalakay ng pamahalaan ang kahihinatnan ng mga komyuter. Pagsapit ng Mayo, paano na lang ang karaniwang komyuter na ngayon pa nga lang ay hirap na sa pagbyahe dahil sa masahol na sistema ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas? Paano na papasok ang mga manggagawa, mga estudyante, mga maralita at ordinaryong mamamayan sa kanilang trabaho o eskwelahan?